(Eagle News) — Isa ang tensiyon sa South China Sea sa inaasahang magiging agenda sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.
Nitong mga nakaraang buwan ay nagpulong na ang mga kinatawan mula sa China at ASEAN para bumuo ng final draft ng code of conduct sa South China Sea na pawang inaangkin ng mga miyembro ng ASEAN region partikular na ang China at Pilipinas.
Kung ang ilan ay positibo na malalagdaan na ang kasunduan sa nasabing pagpupulong, may ilan namang nag-aalinlangan pa ukol dito.
Sa Biyernes, Abril 28 inaasahang uupo at mag-uusap na ang sampung leader ng 10-member regional bloc.
Kabilang sa mga mapag-uusapan sa agenda ay ang regional security issues, North Korea’s Nuclear Program, at maging ang trade and economic partnership.
Bukod sa puwersa ng pulisya at iba pang security personnel, nakahanda rin ang Philippine Coastguard na umalalay sa pagpapanatili ng seguridad sa buong lugar.