Isyung inireklamo ni dating Sen. Marcos sa manual recount, titingnan ng Comelec

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Titingnan umano ng Commission on Elections (Comelec) ang isyu na inapela ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa unang araw ng manual recount kaugnay ng kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Partikular dito ang basa umanong mga balota.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ihahambing nila sa general instructions ang mga isyu kabilang na ang disposition ng vote counting machines (VCM), ballot boxes, election returns at iba pang mga dokumento.

“The Comelec takes the matter of former senator Marcos’ allegations seriously. We will be looking into these claims closely, taking into account, the published general instructions governing the conduct of the 2016 national and local elections. More specifically, section 29 of the GI, covering the disposition of VCM, ballot boxes, election returns and other documents,” pahayag ng opisyal.

Bukod sa mga basang balota, kinuwestyon din ng dating senador ang pagkawala ng audit logs sa mga ballot boxes.

Nakasaad sa Comelec Resolution 10057, na ang mga dokumentong dapat ilagay sa loob ng mga ballot box, kabilang na rito ang sealed envelope kung saan nakalagay ang kopya ng printed election returns, minutes, punit na ‘di nagamit na mga balota at maging ang mga rejected kung meron.

Ang audit logs ay tila isang naka-rolyong tape na high quality thermal paper. dito naka-detalye ang lahat ng operasyon na pinagdaanan ng makina.

Samantala, naninindigan naman ang Comelec sa posisyon nitong naging maayos ang proseso ng 2016 elections at nananatili ang integridad ng nasabing halalan.