Ilang inmate sa Palawan City Jail, maaaring ilipat na sa Iwahig penal farm dahil sa congestion

Bahagi ng pagdalaw sa Puerto Princesa City Jail si DILG ASec. Nestor Quinsay Jr, noong Huwebes, October 12, 2017.

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Mabilis ang paglobo ngayon ng bilang ng mga nakakulong sa Puerto Princesa City Jail dahil na rin sa war on drugs, kung kaya’t binabalak nang ilipat ang ilan sa mga ito sa Iwahig Prison and Penal Farm.

Sa datos na nakuha ng Eagle News Team mula sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology, umabot na sa 715 inmates ang kasakuyang nagsisiksikan sa mga selda, kung saan 52 percent ay mga nakulong sa kasong may kinalaman sa droga.

Ang Puerto Princesa City Jail ay may total land area na 2,816 square meters.

Ito ay binubuo lamang ng 25 detention cells na kayang maglaman ng hanggang sa 230 inmates.

Ayon kay Assistant Secretary Nestor Quinsay Jr. ng Department of the Interior and Local Government, isa sa nakikitang lugar ng pamahalaang lokal ay ang limang hektaryang lupa sa Iwahig Prison and Penal Farm, kung saan maaaring makapagpatayo ng panibagong gusali doon sa loob ng isang taon at kalahati.

Nakikipag-usap na umano sila sa Department of Justice.

Gagawa rin aniya sila ng sulat-kahilingan sa panukalang solusyon na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Operation greyhound surpresang isinagawa ng mga tauhan ng BJMP at PDEA dala ang mga K9 dog sa isang buong building ng mga inmate na may drug related case

Oplan Greyhound 

Samantala, sorpresa ding isinagawa ng mga tauhan ng BJMP at Philippine Drug Enforcement Agency ang Operation Greyhound sa isang buong building ng inmates na may mga drug-related case.

Ginalugad ng mga otoridad sa panguguna nina Quinsay, Jail Warden Chief Insp. Lino Soriano at BJMP Regional Director Revelina Sindol ang bawat selda.

 

Surpresang drug test isinagawa rin para sa mga inmates ng Puerto Princesa City Jail.

 

Nagsagawa din ng sorpresang drug test para sa mga inmates kabilang ang kasalukuyang nakadetine na si Puerto Princesa City Vice-Mayor Luis Marcaida III.

Ayon kay  Soriano, bagamat pinakamataas umanong porsyento ng inmates sa city jail ay may mga kaso ng droga, negatibo naman umano ang mga ito sa paggamit ng iligal na droga.

Malinis aniya ang piitan sa usapin ng mga nakalulusot na kontrabando.

 

 (Eagle News Correspondent Anne Ramos, Peter Almoroto)

Related Post

This website uses cookies.