Japan, tutulong sa drug rehabilitation program ng pamahalaan

By Jerold Tagbo
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Aabot sa mahigit isang bilyong Japanese yen o katumbas ng mahigit walong daang milyong piso ang ipagkakaloob ng Japanese government sa Pilipinas para sa drug rehabilitation program.

Sa signing ceremony ng Department of Health (DOH) at ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Isinapormal ang kasunduan ng pagtutulungan ng Pilipinas at Japan sa anti-illegal drugs campaign.

Ayon sa JICA, pareho ang layon ng dalawang bansa na labanan ang epekto ng iligal na droga.

Nakapaloob ang nasabing grant sa tinatawag na Consolidated Rehabilitation on iIlegal Drug Users o CARE program na layong tulungan ang isang drug dependent na maka-recover mula sa pagiging drug user tungo sa muling pagiging produktibong bahagi ng lipunan.

Sa panig ng DOH, magagamit ang nasabing pondo sa umiiral nang programa ng ahensya sa drug rehabilitation kabilang na rito ang pagtatayo ng drug rehab facility sa Visayas.

Target ng kagawaran na maitayo ang nasabing pasilidad sa Panay Island.

Una nang itinayo ang ilang Drug Rehab Centers sa Nueva Ecija at sa Mindanao sa tulong ng Chinese businessmen.

Sa kabila ng mga tulong mula sa iba’t-ibang sektor at foreign governments ukol sa pagtatayo ng Drug Rehab Centers — aminado ang kagawaran na kokonti lamang ang nakakapasok sa rehab facility.

Sinabi mismo ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na sa Mega Rehab Facilty sa Fort Magsaysay, aabot pa lamang sa 179 ang mga pasyente.

Lumalabas sa assesment ng DOH na mayorya ng mga drug surenderee ang kailangang sumailalim sa community-based rehabilitation nang hindi na kinakailangan pang ipasok sa drug rehab facility.

Sa ngayon may resolution ang Dangerous Drugs Board kung saan puwedeng ipasok sa drug rehabilitation ang isang drug user na may kaso sa Korte.

Kasabay nito, maibabawas rin sa sentensya ng isang may kasong drug user ang pamamalagi nito sa rehab facility.

Related Post

This website uses cookies.