(Eagle News) — Wala nang makakapigil pa sa pagpapatupad ng jeepney modernization program ng pamahalaan.
Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon na target ng pamahalaan na sa kalagitnaan ng taong 2020 ay phaseout na lahat ng mga lumang modelo ng jeepney sa buong bansa.
Ayon kay Assistant Secretary De Leon, napasimulan na ang pagpasok ng mga modernong Public Utility Vehicle na papalit sa tinaguriang iconic jeepney.
Inihayag ni De Leon hindi naman ipagbabawal kung pananatilihin ng mga operator ang orihinal na hitsura ng jeepney basta ang makina ay environmental compliant batay sa Euro standard na nakasusunod sa Clean Air Act.
Niliwanag ni De Leon na walang displacement o mawawalan ng trabaho na mga jeepney drivers dahil habang ipinatutupad ang unti unting phaseout sa mga lumang jeepney unit ay bibigyan sila ng pansamantalang pagkakakitaan hanggang makabalik ang mga ito sa pagmamaneho ng moderno ng public utility vehicle.
170,000 na lumang jeepneys, inaasahang mawawala
Idinagdag ni de leon na sa record umaabot sa 170 thousand na lumang jeepney units ang mawawala batay sa rehistro at prangkisa na hawak ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.