ni Aily Millo
Dinagsa ng mga naghahanap ng trabaho ang job fair ng Department Of Labor and Employment (DOLE) sa Quezon City.
Nasa 130,000 na bakanteng trabaho sa ibang bansa ang inalok ng dalawampu’t apat na lisensyadong recruitment agencies ng Philppine Overseas Employment Administration (POEA).
Habang nasa 1,000 naman ang bakanteng trabaho dito sa bansa na inalok ng nasa 30 kumpanya na sumali sa job fair ng DOLE.
Ayon sa DOLE, layon ng job fair na mabigyan ng oportunidad ang lahat ng mga naghahanap ng trabaho.
Kabilang na rito ang mga bagong graduate sa kolehiyo at mga overseas filipino worker na umuwi ng bansa.
Sinamantala naman at ikinatuwa ng mga jobseeker ang job fair ng DOLE.
Batay sa tala ng DOLE ng 11 ng umaga Huwebes, umabot na sa mahigit apatnaraan ang aplikanteng nagtungo sa job fair ng DOLE.
Mahigit isangdaan dito ay mga dating OFW.
Labingwalong aplikante ang na-hire on the spot sa local jobs habang lima sa overseas.
Tampok din sa job fair ng DOLE ay ang tinatawag na ‘assist well’ program para sa mga OFW.
Sa naturang programa ay tinutulungan ang mga OFW na nagsi-uwi ng bansa na makahanap muli ng trabaho dito sa Pilipinas o sa ibang bansa.
Partikular dito ang mga OFW na apektado ng krisis sa pinagta-trabauhang bansa gaya ng sa Middle East.
Ang mga OFW naman halimbawa na ayaw nang magtrabaho sa ibang bansa ay magkakaroon ng oportunidad na makahanap ng magandang trabaho dito sa Pilipinas.
Katuwang ng DOLE sa pagpapatupad ng assist well program ang iba’t- ibang pribadong kumpanya matapos lumagda sa isang Memorandum of Understanding.
Sinabi pa ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na malaki ang maitutulong ng naturang job fair sa mga OFW.
“They will not have the second thoughts of coming over simply because they do not know what awaits them here in terms of employment and assistance and also income support assistance coming from government. They are educated and they have acquired many skills in doing housekeeping so we want them to be assessed by TESDA immediately when they come home so that the possibilty that they can fit in the hospitality industry in the street can be tap. So hindi naman sila domestic worker pagbalik dito. Kung babalik man sila overseas, hindi na rin domestic helper diba….” sabi ni Rosalinda Baldoz, sekretarya ng Department of Labor and Employment secretary.
Ang OFW na si Juniper Pepito na umuwi ng bansa galing sa Saudi ay isa sa mga nag-avail sa assist well program ng DOLE na nag-nanais muling magtrabaho sa ibang bansa.
Siya aniya ay minsan nang nabiktima ng illegal recruiter kung kaya sa mismong DOLE job fair na siya nagpunta upang masigurong hindi na maloloko.
Samantala kaugnay ng job hunting season, isinabay na rin ng DOLE ang paglulunsad sa bagong platform ng website na phil job net.
Katuwang ng ahensya ang Bureau of Local Employment na humiling ng suporta sa isang pribadong kumpanya.
Mas user friendly ang bagong develop na philjobnet kung saan kahit sa online ay maaari nang maghanap ng trabaho sa mabilis na paraan.