(Eagle News) — Magsasagawa ng joint patrol ang Pilipinas at Indonesia sa Celebes Sea ngayong papasok na linggo.
Ito ay upang mapigilan na makalusot sa rehiyon ng Mindanao ang mga Islamist militant.
Ayon kay Armed Forces – Eastern Mindanao Command Spokesperson Major Ezra Balagtey, layunin ng joint patrol ang pagpapalakas sa border security ng Davao Gulf, at ng common boundary ng dalawang bansa sa southern archipelago, partikular na sa Celebes Sea.
Ang barko ng dalawang bansa ay maglalayag mula sa Davao City patungong Celebes Sea, sa darating na Huwebes, Hulyo 6.
Ang nasabing joint patrol ay ikatlong beses nang gagawin sa rehiyon sa loob ng isang buwan.
Ang isasagawang joint patrol ay matatapos sa susunod na linggo sa Manado City, sa Sulawesi Island.