Lima hanggang pitong matataas na opisyal ng nagdaang administrasyon ang kasama sa iimbestigahan ng justice department kaugnay sa muling pagbubukas ng usapin ng Priority Development Assistance Fund.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kabilang sa mga pinangalanan ng sinasabing pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles–ayon na rin sa kaniyang abugado na si Stephen David—sina Senador Antonio Trillanes IV, Franklin Drilon, dating Budget Secretary Butch Abad, at ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima.
Kasama rin aniya sa mga nabanggit ang ilan pang mga dating opisyal ng gobyerno na mas mataas pa sa senador.
Ayon kay Aguirre, sa ngayon ay kinukumpleto pa ni Napoles ang mga dokumento kaugnay sa kasong plunder na isasampa nito sa mga dating opisyal ng gobyerno.
May kaugnayan din aniya ang kaso sa P10 milyong pabuya na ipinalabas ng mga awtoridad noon para sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan ni Napoles.
Ayon kay Aguirre, base sa kaniyang impormasyon, isang mataas na opisyal ng Malakanyang noon ang kumuha sa nasabing pabuya. Erwin Temperante, Eagle News Service