REAL, Quezon (Eagle News) – Ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa hilagang bahagi ng Quezon province ay hindi nagsasawa sa pagsasagawa ng paglilinis sa kapaligiran. Nito lamang nakaraang Sabado, August 6 ay muli nilang ipinakita ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng clean-up drive. Isinagawa nila ito sa Brgy. Poblacion 1, Real , Quezon. Pinangunahan ito ni Bro. Isaias A. Hipolito, District Supervising Minister ng Quezon North.
Maraming mga kaanib ng INC ang nakilahok sa nasabing aktibidad na tumulong sa paglilinis. Dumalo rin ang konsehal ng Bayan, Sanguniang Barangay, Brgy. Health Workers, at mga Brgy. Police.
Ang ilang sa kanilang pinagtuunang linisin ay ang kalsada maging ang kanal na pinamumugaran ng lamok at mga insektong nakasasama sa kalusugan. Tinabasan naman nila ang mga sanga ng puno na nakaharang na sa daan at mga damong nagiging sagabal sa daloy ng tubig sa mga kanal. Pinulot naman at inilagay sa garbage bag ang mga plastik, lata, at bote upang maging malinis ang kapaligiran sa nasabing barangay.
Nagpapasalamat naman ng mga residente at mga opisyal ng nasabing barangay sa ginawa ng Iglesia Ni Cristo sa kanilang lugar dahil naging maaliwalas at malinis na ang kanilang lugar. Ayon sa mga opisyal ng barangay, napakalaki ng nagagawa ng pagkakaisa sa ikauunlad ng ating pamumuhay. Nangako sila na ipagpapatuloy nila ang ganitong gawaing pinasimulan ng INC sa kanilang lugar.
Courtesy: Nice Gurango – Real, Quezon Correspondent