EL NIDO, Palawan (Eagle News) – Tinalakay at inaprubahan sa ika-65 na regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na humihiling sa tanggapan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Corazon Wanda T. Teo na ideklarang island hopping at diving destination ang lalawigan ng Palawan.
Sa akdang resolusyon ni Board Member Roseller S. Pineda, binigyang-diin nito ang mga katangian ng lalawigan ng Palawan na maaaring maging basehan ng kanilang kahilingan.
Kabilang dito ang pagkilala sa Palawan bilang “World’s Best Island” at “World’s Friendliest Island.”
Bukod dito, bantog din sa buong mundo ang mga world class tourist destinations na matatagpuan sa mga bayan ng Linapacan, Dumaran, Araceli, El Nido, Coron, Busuanga,Cuyo, San Vicente, Taytay at Roxas Palawan at iba pang bayan.
Mayaman din ang Palawan sa mayabong na kagubatan, magagandang karagatan, mga yamang gubat at yamang dagat lalo na ang world class diving destination na Tubbataha Reef na idineklarang heritage site.
Ito ay matatagpuan sa bayan ng Cagayancillo na malimit na dinadayo ng mga scuba diver mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang sipi ng panukalang resolusyon na naglalaman ng kahilingan ay ipinadala sa Department of Tourism, Office of Governor Jose CH. Alvarez, Offices of Congressional Representatives of Palawan at mga Municipal Mayor.
(Eagle News Correspondent, Rex Montallana)