MARIVELES, Bataan (Eagle News) – Nakakaranas na sa kasalukuyan ng malakas na hangin at malalaking alon sa karagatan ang Bayan ng Mariveles dulot ng bagyong Nina. Isa na rito ang Brgy. Biaan, Sitio Kutad at mga karatig baranggay nito. Nasa storm signal no. 2 na ang buong lalawigan ng Bataan.
Nag-abiso naman ang Municipal Disaster Risk Reduction Management sa lahat ng mangingisda na bawal munang pumalaot lalo na ang maliliit na bangka para na rin sa kanilang kaligtasan. Nakaantabay din ang buong puwersa ng PNP at Philippine Army sa lalawigan para sa pagresponde sakaling may mga landslide o ililikas na mga apektadong residente.
Nakahanda rin ang Municipal Social Welfare & Development para sa distribution ng relief goods sakaling magkaroon ng tao ang mga evacuation center na inihanda ng lokal na Pamahalaan. Pinag-iingat din ang mga motorista sa bahagi ng sigsag road sa Mariveles dahil sa madulas na daan dulot ng pagbuhos ng ulan.
Larry Biscocho – EBC Correspondent, Bataan