Kalayaan Atin Ito movement kay Sen. Trillanes: Ilahad ang naging pakikipag-negosasyon sa China noong 2012

By Judith Llamera
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Tinuligsa ng grupong Kalayaan Atin Ito si Senator Antonio Trillanes ukol umano sa paggamit nito sa isyu ng West Philippine Sea para sa pansariling interes politikal.

Ayon sa grupo,  ang mga pulitiko ngayon ay nagbabangayan na parang nakalimutan na kung saan nag-ugat ang suliranin sa west phl sea partikular na ang istrukturang itinayo ng China.

Kaya naman nais daw nilang ipaalala sa publiko ang pakikipag-negosasyon ni Senator Trillanes sa China noong 2012.

Matatandaan na labing anim na beses nakipag-pulong sa China si Senator Trillanes at Magdalo Partylist  Congressman Gary Alejano.

Subalit makalipas ang ilang taon,  wala pa rin anilang isinisiwalat na ulat ang naturang senador ukol sa mga napag-usapan sa nakaraang backdoor negotiation.


Problema ngayon sa West PHL Sea, isinisi ng grupo kay Sen. Trillanes

Isa sa itinuturo ng grupo na pinag ugatan ng problema sa West Philippine Sea ay ang pakikipag negosasyon ni Trillanes sa China.

Sinabi rin ng grupo na kung ang Senador ay talagang makabayan at tunay na dugong Pilipino, sana ay kasama rin daw siya ng grupo na handang magbigay ng buhay upang maipakita na ang islang ito ay sa mamamayang Pilipino.

 

Sen. Trillanes, sinabihang isulong ang pagkakaisa

Dagdag pa ng grupo, walang karapatan si Senador Trillanes na pag-awayin ang bansang ito.

Sa halip, ang dapat na inuuna at isinusulong nang senador ay ang pagkakaisa.

Gayundin ang pagtutuon ng nalalabing lakas sa mga solusyon na dapat tahakin sa naturang usapin.

Hindi rin anila papatulan ang balak ng senador na guluhin at pag-awayin ang taong bayan.

 

Sen. Trillanes, wala pang pahayag sa panawagan ng grupo

Wala pa namang pahayag sina Senador Trillanes at Congressman Alejano ukol sa panawagan ng grupo.

 

Related Post

This website uses cookies.