Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Sinusulong ngayon sa Senado ang panukalang ideklarang ecotourism destination at protected area ang Kalayaan Group of Islands, kabilang na ang Pag-asa island, na inaangkin din ng Tsina at iba pang bansa.
Sa Senate Bill 944, ipinanukala ni Senador Sonny Angara ang pagbuo ng governing board na mangangasiwa sa development ng grupo ng mga isla upang maging mga major tourist destination ang mga ito.
Ang Pag-asa island, halimbawa, aniya, ay isang magandang isla at hindi na kailangang i-develop pa ang magandang beach nito.
“With its impeccable beauty, the island is an ideal tourist destination…the rich biodiversity and Filipino heritage truly reflects the beauty of a paradise that our country should be proud of,” wika ng senador.
Sa pamamagitan aniya ng mabubuong batas, magkakaroon din ng dagdag na ayuda ang Kongreso lalo na at ang Pag-asa island ang ikalawa sa pinakamalaking isla sa Kalayaan Group of Islands na kailangang alagaan at protektahan ng Pilipinas.
Nauna nang ipinag-utos ng Pangulo ang pagdevelop sa Pag-asa island matapos ipag-utos nito ang paglalaan ng P1.6 bilyon para sa pagtatayo ng mga pasilidad at mapaunlad ang kabuhayan ng mga residente roon.
Suportado ng mga eksperto
Suportado ng ilang eksperto ang hakbang ng Malacanang at Kongreso.
Ayon kay Dr. Renato de Castro, propesor ng international studies ng Dela Salle University, dapat tapatan pa nga ng bansa ang pagiging agresibo at ginagawang development ng ilang mga bansa, gaya ng Vietnam at Tsina.
“Kailangang istake ang claim… Ni walang runway. Paano masasabi na pag-aari natin ito kung hindi (natin ito) paninindigan,” wika ni De Castro sa panayam sa kaniya sa programang “Liwanagin Natin.”
Inihalimbawa ni De Castro ang itinayong airbase ng Tsina sa Mischief Reef, kung saan mayroon lamang mga wooden huts noong 1995.
Masyado na aniyang napag-iiwanan ang Pilipinas gayong may desisyon na ang United Nations Arbitral Tribunal na pag-aari ng bansa ang pinag-aagawang mga isla.
Naniniwala si De Castro na kung magpapatumpik-tumpik ang Pilipinas, hindi malayong maagaw pati ang Pag-asa island.
“Isa lang (ang) dapat ipakita sa Tsina. Nilabas na desisyon ng UN (na nagsasabing) walang legal basis ang historic claim (nila)…Hindi dapat iwithhhold ang desisyon ng tribunal..,” aniya.