(Eagle News) — Mahigit tatlong libong indigent senior citizens sa buong lalawigan ng Palawan ang nakatanggap na ng kanilang buwanang pensiyon sa ilalim ng local social pension ng pamahalaang panlalawigan para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon kay Gng. Helen G. Bundal, Population Program Officer II ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO, mahigit P4 milyon ang halagang naibahagi ng kanilang tanggapan sa mga benepisyaryo ng naturang programa para sa unang bahagi ng taong kasalukuyan.
Ipinaliwanag niya na ang nabanggit na bilang ng mga benepisyaryo ay iyong mga hindi nakakatanggap ng buwanang pensiyon mula sa Pamahalaang Nasyonal.
Samantala, maliban sa pamamahagi ng local social pension ay nagpapatuloy rin ang iba pang programa ng Pamahalaang Panlalawigan na nakatuon sa pagkalinga para sa mga lolo at lola tulad ng pagbibigay ng tulong pinansiyal, medikal at iba pa.
Ang programang ito ay isinasakatuparan sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 11305 na pinagtibay noong taong 2014.
Layon nitong mabenepisyuhan ng P 250.00 kada buwan ang lahat ng mahihirap na senior citizen sa buong lalawigan ng Palawan na nag-eedad 60 taong gulang pataas.
Bahagi ng proseso ng pagtukoy ng mga benepisyaryo ay ang pagsasailalim sa ebalwasyon ng mga ito mula sa mga tanggapan ng PSWDO, Office for Senior Citizen Affairs (OSCA) at Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ng bawat munisipyo.
Ang programang ito ay bilang pagtugon din ng Pamahalaang Panlalawigan sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na pagkalooban ng buwanang pensiyon ang mga kapos-palad na nakatatandang mamamayan sa kani-kanilang lokalidad upang makatulong sa pangangailangan ng mga benepisyaryo partikular ang pagkain at gamot.
Sa kasalukuyan ay isinasaayos na ng PSWDO ang pondo para naman sa pamamahagi ng pensiyon ngayong ikalawang semestre ng taong kasalukuyan.