PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Pinaiigting ngayon sa buong lalawigan ng Palawan partikular ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kampanya laban sa mga establesimientong nagbebenta ng mga sub-standard na produkto.
Ito ay alinsunod na rin sa Product Standards Law, kung saan lahat ng mga produktong ibinebenta o ipinagkakaloob ng isang establesimiento ay kailangang naaayon sa isinasaad na pamantayan ng batas para sa isang bilihin.
Ayon kay Provincial Director Rosenda G. Fortunado, ito ay upang maprotektahan ang mga mamimili ng mga sub-standard at pekeng mga produkto.
Base sa datos ng DTI Palawan, mula noong 2012 hanggang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 66 na mga establesimiento sa lungsod at lalawigan ang kanilang napatawan ng multa dahil sa paglabag sa batas na ito.
Umabot na rin sa P746,000 ang kabuuang multa na ipinapataw sa sinumang lumalabag sa Product Standards Law.
Samantala, maaari namang magsumbong sa nasabing ahensya sa pamamagitan ng numerong 434-1092 sa mga lumalabag sa nabanggit na batas.
Rox Montallana – Eagle News Correspondent