(Eagle News) — Hindi na sana nangyari ang tila House Speakership kudeta kung kusa na lamang bumaba sa puwesto si House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Political Analyst Prof. Anthony Contreras, mas maganda sana kung si Alvarez na ang naglabas ng mosyon na ideklara nang bakante ang kaniyang posisyon lalu na’t marami ang hindi na sumusuporta sa kaniya.
Hindi rin aniya mangyayari iyon kung hindi rin in-adjourn kaagad ni Alvarez ang joint session.
Sa kabilang banda, may pagkukulang rin ang kampo ni Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo dahil hindi rin ito nakapaghintay at isinabay mismo sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghalal ng bagong House Speaker.
Nakakalungkot din aniya dahil tila nagiging agaw-eksena na ngayon ang nangyari sa Mababang Kapulungan kaysa sa mga naging laman ng talumpati sa SONA ni Pangulong Duterte.
“Pareho naman kasi silang may kasalanan eh. Sa kampo ni Gloria, sana naghintay, sa kampo naman ni Alvarez, alam naman niya na wala na dapat botohan yun eh. Kung meron mang 161 eh more than half na yun. Lalu pang dumami nung hapon naging 184. So pareho silang may mali,” pahayag ni Contreras.