MANILA, Philippines (Eagle News) — Sinagot na ng kampo ni dating senador Ferninand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtawag sa kanila ng abogado ni Vice-President Leni Robredo na sinungaling.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, ang mga pangalan sa kanilang witness list ay mga miyembro ng Board Of Election Inspectors sa Basilan, Lanao Del Sur at Maguindanao na naka-duty sa araw ng halalan noong Mayo 2016.
Nilinaw pa ni Rodriguez na tinukoy nila ang BEI members bilang mga testigo at hindi registered voters.
Dahil physically present aniya ang BEI members sa panahon ng halalan ay makakatestigo ang mga ito kung totoong may nangyaring botohan sa mga naturang lugar o pre-shaded na ang mga balota doon.
Ito aniya mismo ang dahilan kung bakit hiniling ni Marcos na magsagawa ng technical examination sa election data sa Basilan, Lanao Del Sur at Maguindanao.
Ang kailangan lang aniyang gawin ay ikumpara ang lagda ng aktuwal na botante para malaman kung may nangyaring dayaan noong 2016 elections.
May kopya ng ilan sa election day computerized voters’ list sina Marcos sa mga nabanggit na ARMM provinces kung saan may discrepancies sa lagda ng registered voters at sa lagda ng mga mismong bumoto noong eleksyon.