(Eagle News)– Nagtangka muling magpapasok ng mga lalaki, kabilang na ang mga hinihinalang dating miyembro ng Marines, ang kampo ng mga natiwalag na miyembro ng Iglesia ni Cristo na sina Ginang Lottie Hemedez at Ginoong Angel Manalo sa No. 36 Tandang Sora, Avenue na pag-aari ng INC.
Ayon pa sa napag-alaman ng Eagle News Service, nagkagitgitan pa sa pasukan ng Tandang Sora INC compound, nang magpilit na ipapasok pati ang mga hindi awtorisadong mga tao sa loob ng compound ng kampo ni Lottie at Angel nitong Biernes.
Nakunan pa ng CCTV camera ang panunutok ng isang lalaking kabilang sa mga kasama ni Ginang Lottie sa isang INC security guard.
Ang mga lalaking ito ay bahagi diumano ng security detail ng natiwalag na magkapatid. Ang karamihan sa kanila ay sasabay sana sa pagpasok pabalik sa INC compound ng grupo ni Lottie Hemedez na naunang nagsagawa ng press conference Biernes ng hapon sa labas ng INC compound.
Ayon pa sa sources, tinangka ng kampo nina Angel at Lottie na magpasok ng anim na kalalakihan, kabilang ang mga dating sundalo, sa loob ng INC compound, bagay na hindi pinahihintulot sa tuntunin ng pabahay ng Iglesia Ni Cristo.
Hinihigpitan na ng INC ang pagpapasok sa INC compound dahil na rin sa hindi pagsusumite ng listahan ng kampo nina Lottie at Angel ukol sa mga pinapapasok nila sa INC compound nang walang pahintulot mula sa Pamamahala ng INC.
Kasalukuyan ngayong iniimbestigahan ng INC ang nasabing pagbunot at panunutok ng baril ng isang lalaking kasamahan ni Ginang Lottie sa bandang likuran ng INC security guard, pati na rin ang pagtatangka ng kampo ni Lottie na magpasok ng mga dating sundalo sa loob ng INC compound.
Kasama rin sa naroon nang nagkagitgitan ang broadcaster na si Ces Drilon ng ABS CBN.
Nitong hapon, ay nanggaling ang grupo nina Lottie at ng abugado nitong si Atty. Trixie Angeles sa isang press conference sa kalapit na lugar sa Quezon City, kung saan tanging piling miyembro ng media lamang ang kanilang pinapasok. Hinarang ng kanilang grupo ang miyembro ng NET 25-Eagle News team.
Kasama naman sa mga piling pinapasok sa presscon ni Ginang Lottie at Atty. Trixie Angeles ang Rappler, Inquirer at ABS CBN.
Nauna nang ipinahayag ng isa sa mga abugado nina Ginoong Angel At Ginang Lottie, na si Atty. Ahmed Paglinawan, na ang security group ng dating Marines officer na si Capt. Nicanor Faeldon, ang kinontrata ng magkapatid upang maging security personnel diumano nila.
Nitong Huebes, Enero 14, nagpahayag na ang Iglesia Ni Cristo na gagawa na ng legal na hakbang at magsasampa na ng ejectment case laban sa tiwalag na magkapatid na sina Angel at Lottie dahil sa patuloy nilang paninirahan sa no. 36 Tandang Sora compound ng INC, habang patuloy naman silang gumagawa ng mga hakbang laban sa Pamamahala ng INC.