Kampo ni Marcos, iaapela ang pagbasura sa ‘tampering’ case vs Comelec at Smartmatic

(Eagle News) — Iaapela ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos sa Department of Justice (DOJ) ang naging desisyon ng Manila Prosecutors’ Office na ibasura ang mga kasong cybercrime laban sa Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic.

Ito ay may kaugnayan sa alegasyon ng kampo ni Marcos na nagkaroon ng pagbabago sa ‘script’ ng transparency server sa kasagsagan ng halalan noong Mayo.

Wala kasing nakita ang korte na sapat na ebidensyang magpapatunay sa umano’y sabwatan ng Comelec at Smartmatic upang i-tamper ang resulta ng halalan na kinukwestyon ng dating senador sa Presidential Electoral Tribunal.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez na abogado ni Marcos, napaka-simple lang ng reklamo dahil pinalusot ng Comelec at ng Smartmatic ang isang pagbabago sa server habang kasagsagan pa ng transmission ng mga boto noong halalan.