QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Iginiit naman ng kampo ni Vice President Leni Robredo na maling impormasyon ang nakarating kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kaniyang mga pahayag ukol sa nawawalang audit log sa mga balota noong 2016 elections.
Sinabi ni Atty. Romulo Macalintal, hindi nagbigay ng tamang impormasyon ang kaniyang mga abugado, at hindi rin alam ng kaniyang mga tagapayo ang patakaran sa audit log.
“Hindi porke’t wala ‘yung audit logs ay mayroon nang anomalya… Naku, huwag kang maniwala doon. Kay daming nawawala, nakaligtaan. But will it affect the results of the elections? No! Because this is a technical defect,” sambit ng abogado ni Robredo.
Aniya, technical defect lamang ito ng mga balota at ang mga nawawalang audit log ay hindi makakaapekto sa kawastuhan ng bilang ng mga boto.
Ito ang paliwanag ni Atty. Macalintal, matapos banggitin ng kampo ni Marcos ang mga anomalya sa pagsisimula ng manual recount ng mga boto sa vice presidential race.
“Kahit andiyan lahat tambak ang audit logs, hindi magiging basis ‘yun ng count. Kasi kahit bilangin mo ‘yung audit logs, you can’t determine the number of votes obtained by candidates. You still had to go back to the ballots,” dagdag pahayag ni Macalintal.