Karamihan ng mga kabataang may edad 12 to 17, fully vaccinated na, ayon sa vaccine expert panel member

58.7 percent mula sa mga ito ang fully vaccinated na, 71.21 percent ang partially vaccinated

Medical workers in protective suits administer vaccines at a coliseum in Makati City, suburban Manila on November 29, 2021, as the Southeast Asian nation launched a three-day vaccination drive targeting nine million people as young as 12 in an effort to accelerate the roll-out of jabs, amidst the threat of heavily mutated coronavirus variant Omicron. (Photo by Ted ALJIBE / AFP)

 

Ni Madelyn Villar Moratillo
Eagle News Service

(Eagle News) — Karamihan sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 sa bansa ay fully vaccinated na kontra Covid-19, ayon sa isang miyembro ng Philippine Vaccine Expert Panel.

Sinabi ni Dr. Mary Ann Bunyi, na pangulo rin ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na 58.7 percent o katumbas ng 6.2 milyong kabataan mula sa nasabing mga edad ang fully vaccinated na, habang 71.21 percent naman o 7.6 milyon ang partially vaccinated.

Nasa 10.7 milyong menor de edad naman ang target mabakunahan ng gobyerno kontra Covid-19.

Kumpara naman sa ibang age group, sinabi ni Bunyi na mas mababa ang bilang ng naitalang nagkaroon ng adverse reactions sa mga kabataang may edad na 12 hanggang 17 na nabakunahan.

-Kaunti lamang ang may adverse reactions, karamihan ay “mild”-

Batay sa datos mula sa Food and Drug Administration, 3.11% lang ng mga nabakunahang menor de edad ang nagkaroon ng adverse effects, at karamihan sa mga ito ay mild lamang.

Karaniwang reaksyon na nakita sa nasabing age group ay pagkahilo, pananakit ng injection site, pyrexia o lagnat, pananakit ng ulo, at pagtaas ng blood pressure. May dalawang (2) kaso naman ng myocarditis o pamamaga ng heart muscle at isang kaso ng pericarditis o pamamaga sa outer lining ng puso na naitala. Pero ayon kay Bunyi, lahat ng mga ito ay naka-recover na.

Ang pagbabakuna dito sa bansa para sa mga nasa edad 12 hanggang 17 ay sinimulan noong Oktubre 2021.

Ang mga bakuna na may Emergency Use Authorization (EUA) para magamit sa nasabing age group dito sa bansa ay Moderna at Pfizer.

-Mga may comorbidities na edad 5-11, priority sa bakunahan-

Sa Pebrero naman, inaasahang masisimulan na ng gobyerno ang vaccination para sa mga nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang.

Gaya naman sa naging roll-out sa may edad 12 hanggang 17, sinabi ni Bunyi na uunahin din muna ang pagbabakuna sa mga may edad na 5 hanggang 11 na may comorbidities.

“Kung naalala niyo, 12 to 17 ang inunang bakunahan na may comorbidities, dahil mas (magiging) malala pag dinapuan ng Covid. Ganun din naman sa roll-out ng 5 to 11 (years old). Malaking bagay kung ma-prioritize ang mga may comorbidities,” dagdag pa ni Bunyi na bahagi rin ng National Immunization Technical Advisory Group for COVID-19 Vaccine Pediatric Infectious Disease.

Para sa edad 5 hanggang 11, Pfizer vaccine rin ang gagamitin, bagamat may mas mababang dosage.

Ayon kay Bunyi, sa ginawang clinical trial sa Amerika para sa ganitong pediatric age group na ginawa noong Oktubre, 91% ang nakitang vaccine efficacy. Karamihan naman sa naitalang adverse reactions ay pananakit sa injection site. Matapos naman matanggap ang ikalawang dose ay fatigue o mabilis mapagod, pananakit ng ulo, chills o panginginig, muscle pain at lagnat ang mga naging karaniwang reaction.

 

(Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.