Kasambahay na nanunog ng bahay ng kaniyang amo, patay sa sunog

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Aabot sa Php 5.7 milyon ang nasirang ari-arian, habang patay naman ang isang kasambahay matapos nitong sunugin ang bahay ng kaniyang amo sa Brgy. Guiwan, Zamboanga City.

Kinilala ang kasambahay na suspek na si Henry Tamtam Abella, 21 taong gulang.

Si Abella ay nakatira sa bahay ng kaniyang amo na si Emelyn Enriquez.

Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Region-9, nag-amok ang suspek na may dalang isang tanke ng LPG at kutsilyo.

Pinagbantaan pa umano ng suspek ang mga nakatira sa bahay na sina Leonardo Dalaygon at Leonora Dalaygon, na hindi lumalabas ng kanilang kwarto.

Sa kasagsagan ng pag-aamok ng suspek ay sinindihan umano nito ang mga tela at kurtina ng nasabing bahay.

Sa pagresponde naman ng BFP sa bahay ay hinarangan pa nito ang mga fireman at tinutukan pa ng kutsilyo.

Matapos makausap ng BFP ang suspek ay bigla umanong tumalon ang suspek sa bubong ng bahay.

Ngunit sa pagtalon ng nito ay aksidenteng bumigay ang bubong at nahulog ang suspek sa naglalagablab na apoy na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Umabot naman sa halos kalahating oras ang sunog bago itong ideneklarang fire out. (Eagle News Service)