(Eagle News) — Patuloy na tumataas ang naitatalang kaso ng tigdas sa Region 1 Medical Center.
Ayon Dra. Maribel Pasaoa, Infectious Disease Specialist ng R1MC, mayroon nang bilang na 50 ang naitalang kaso at walo sa mga ito ang nasawi simula Enero hanggang Pebrero 15 sa nasabing pagamutan.
Ayon sa R1MC, karamihan sa mga nasawi ay mga batang edad lima pababa at nasa malala nang kalagayan nang dalhin sa pagamutan.
Karamihan sa nasawi ay dahil sa kumplikasyon sa pneumonia.
Ayon kay Dra. Pasaoa, batay sa monitoring ng Department of Health ay nagkakaroon ng outbreak sa tigdas kada-apat o kada-walong taon.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng tigdas ay target ng DOH-R1MC na ipatupad ngayon ang massive vaccination sa mga batang may edad anim na buwan pataas hanggang sa mga adult na wala pang bakuna kontra tigdas.
Bukas na ang R1MC sa lahat ng araw para sa mga nais magpabakuna kontra tigdas at hindi na lamang kada Miyerkules ang schedule ng pagbabakuna.
Mayroon na ring inilaan na fast lane para sa suspected cases ng tigdas.
Nagtalaga na rin ng isolation room ang R1MC para sa mga pasyenteng may sakit na tigdas.
Nagpayo naman ang R1MC sa publiko na mahalaga ang pagpapabakuna laban sa tigdas, pagkakaroon ng masustansyang pagkain at palakasin ang resistensya ng katawang upang malabanan ang sakit na tigdas at iba pang nakakahawang sakit.
(Eagle News Nora Dominguez)