MANILA, Philippines (Eagle News) — Posibleng maharap sa kasong plunder ang airline companies na bigong makapagbalik ng terminal fees sa gobyerno mula sa mga nakanselang flights ng kanilang mga pasahero.
Ito ang naging babala ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation na dinaluhan ng mga opisyal ng iba’t-ibang airline companies sa bansa.
Ayon kay Alvarez, dapat isurrender ang nakolektang terminal fee dahil pera ito ng gobyerno at hindi pwedeng angkinin ng airline companies.
Suportado naman ng House minority bloc sa Kamara ang pagsasampa ng kaso sa mga lalabag na airline companies.
Sinabi ni ACTS OFW Partylist Representative John Bertiz na kadalasang biktima ang mga kababayan nating OFW sa ganitong pangyayari.
Aniya, matagal na silang nagsampa ng kaso laban sa mga kaukulang opisyal kaugnay ng isyung ito subalit wala pa ring magandang resulta.
Una rito, kinumpirma sa komite ni Manila International Airport Authority General Manager Eddie Monreal na wala pang ibinabalik na terminal fees ang Cebu Pacific.
Handa naman daw ang airline companies na ibalik ang nakolekta nilang terminal fee pero kailangan munang magkaroon ng guidelines para rito.