Klase at pasok sa gov’t offices sa Tacloban City, suspendido dahil sa matinding pagbaha at pag-ulan

Photo by: Rheanel Vicente

Ni Rheanel Vicente
Eagle News Correspondent

TACLOBAN CITY, Leyte (Eagle News) – Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ng Tacloban City ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang pasok sa mga government office dahil sa matinding pagbaha at pag-ulan.

Nagpalabas na ng Executive Order No. 298-01-085 si Mayor Cristina Romualdez na nagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko maging sa pribadong paaralan dahil sa matinding pag-ulan na nararanasan sa buong Visayas region dulot ng tail-end of a cold front.

Muli namang nagpalabas ng Executive order No. 298-01-086 na nagsususpende ng pasok sa lahat ng government offices ngayong araw ng Lunes, Enero 15.

Nakakaranas ng malawakang pagbaha ang mga barangay sa Tacloban City dulot ng ilang araw na walang tigil na mga pag-ulan na umabot na hanggang baywang na tubig-baha.

Ilan sa mga barangay na nakaranas ng matinding pagbaha ay ang mga sumusunod:

  • Nula-Tula
  • Tigbao
  • Abucay
  • Young Field
  • V& G Subdivision
  • Naga-naga
  • Calanipawan
  • Quarry District

Ilan sa mga kalsada ay lubog na din sa baha at hindi na nadadaanan ng mga maliliit na sasakyan, kaya maraming sasakyan at pasahero ang istranded.

Malaking pahirap naman ito sa mga residente lalo na sa mga taga-Tacloban North dahil hindi nakakadaan ang kanilang service sa Nula-tula. Ang ibang pasahero ay napipilitan na lamang lumusong sa baha at maglakad pauwi dahil hindi na bumabiyahe ang mga pampasaherong sasakyan.

Nakaranas din ng landslide ang Brgy. 43-B Quarry District noong Sabado, Enero 13 na ikinasawi ng isang ginang at may tatlo pang nawawala. Patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operation ng Tacloban City Rescue Unit at ilang mga volunteer.

Mula sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Tacloban City, puwersahang pinapalikas ang mga residente malapit sa pinangyarihan ng insidente maging ang mga nakatira sa mga landslide prone areas. (Eagle News Correspondent)