Ni Rheanel Vicente
Eagle News Service
TACLOBAN CITY, Philippines (Eagle News) — Suspendido na ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa Tacloban City dahil sa bagyong Urduja.
Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ng Tacloban City ang klase ngayong araw, Huwebes, December 14.
Ito’y upang makaiwas sa anumang panganib ang mga mag-aaral sa gitna ng nararanasang mga pag-ulan.
Sa abiso mula kay Tacloban City Mayor Cristina Romualdez, malaki ang posibilidad na makaranas ng mga pagbaha sa mga mabababang lugar at landslide sa mountain areas na resulta ng patuloy na pag-ulan.
Sa huling abiso ng Philippine Atmospheric Geophysical Administration Services, namataan ang sentro ng bagyo sa silangang bahagi ng Guiuan, Eastern Samar.