TACLOBAN CITY, Philippines (Eagle News) — Nananatiling suspendido ang klase sa Tacloban City at ilang bayan sa Leyte dahil sa walang tigil na mga pag-ulan dulot ng bagyong ‘Basyang.’
Sa ipinalabas na Executive Order No. 2018-02-096 ni Mayor Cristina Romualdez, walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Tacloban City.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa bayan ng Palo, Barugo, Burauen, at Jaro, Leyte. Wala namang pasok sa elementarya, Junior High School at Senior High School sa bayan ng Tanuan at Tolosa, Leyte.
Sa huling abiso mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy na makararanas ng katamtaman at malakas na mga pag-ulan ang Visayas Region na maaaring magdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala naghanda na ng 1,500 food packs ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Tacloban para sa mga residente na mag-eevacuate sakaling tumaas ang tubig sa mga flood prone area, ayon kay CDRRMO head Brando Bernadas. Rheanel Vicente
https://youtu.be/QUpPp0X3GGA