Konstruksyon ng subway sa Metro Manila, sisimulan sa 2018

MANILA, Philippines (Eagle News) — May tiyansa nang matuloy ang pagpapatayo ng subway sa Metro Manila, na nakikitang solusyon sa matinding problema sa trapiko lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Nagkasundo na kasi ang Pilipinas at Japan para sa planong pag-utang ng bansa para sa subway project.

Pagkatapos ng bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe, isinapinal na nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Japanese Ambassador Kojie Haneda ang isyu ng Metro Manila subway.

Sinabi ng Pangulo na bahagi ito ng commitment ng Japan para sa economic development ng Pilipinas.

 P358.2- billion

Ang Japan ang nag-alok na tustusan ang subway project na nagkakalahaga ng P358.25 billion.

Ayon sa Prime Minister ng Japan, committed ang kanilang bansa para tulungan lalo na ang mga bansa sa Southeast Asia sa isyu ng economic development

Nauna nang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na posibleng isagawa ang ground breaking ceremony sa subway project sa huling quarter ng 2018.

Batay sa plano, ang subway ay sisimulan sa Mindanao Avenue sa Quezon City, tatagos sa Tandang Sora, Katipunan, patungo sa Kalayaan Avenue sa Makati, tatagos sa Taguig hanggang sa Ninoy Aquino International Airport.

Isinumite na rin ng Pilipinas sa Japan ang plano para sa Arterial Road Bypass Project  na aabot sa 24.6 kilometer  road  para maibsan ang matinding traffic sa pagitan ng North Luzon Expressway at Plaridel Highway.

Bukod pa rito ang loan agreement sa Japan para sa Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project na popondohan ng 7 bilyong piso mula sa japan at 2.9 bilyong piso na kukunin naman mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bahagi raw ito ng economic at social development sa ilalim ng Duterte Administration at resulta ng ASEAN Economic Community.

(Eagle News Service Meanne Corvera)