(Eagle News) — Idinipensa ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pinasok na kontrata ng Department of Justice sa security agency na pag-aari ni Solicitor General Jose Calida.
Kasunod ito ng panawagan ng ilang mga senador na magbitiw na si Calida dahil aniya sa “conflict of interest” matapos lumabas ang mga report na ang security agency na pag-aari ng kaniyang pamilya ang nakakuha ng kontrata sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Nilagdaan ang kontrata na nagkakahalaga ng Php 6.76 milyon sa panahon ni Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Ayon kay Guevarra, ligal at dumaan sa proseso ang kontrata ng DOJ sa Vigilant Investigative And Security Agency Incorporated ni Calida.
Tumalima aniya sa mga procurement law at guidelines ang kontrata ng DOJ sa Vigilant na nagsimula noong Pebrero 1, 2018 at magtatapos sa Disyembre 31, 2018.
Gayunman sinabi ni Guevara na dapat mas maging maingat ang DOJ sa hinaharap.
Bukod sa DOJ, may kontrata rin ang nasabing security firm sa National Economic and Development Authority, Pagcor, National Anti-Poverty Commission, National Parks Development Committee, at National Electrification Administration. Moira Encina