(Eagle News) — Umakyat ng labing isang (11) porsyento ang bilang ng mga turistang nagtutungo sa isla ng Boracay mula nitong Enero hanggang Abril ng taong ito kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos ng Malay Municipal Tourism Office, mula lang nitong unang apat na buwan ng taon ay nasa mahigit 744 thousand na ang naitalang tourist arrival sa isla kumpara sa mahigit 671 thousand noong nakaraang taon.
Ang mga Korean national parin ang patuloy na nangungunang dayuhang turista na nagtutungo sa Boracay.
Sinundan ito ng mga chinese national, mga turista mula sa United Kingdom, Estados Unidos, Malaysia, Australia, Singapore, United Arab Emirates, at Germany.
Pero hindi lang mga dayuhan ang pumapasyal sa Boracay kundi ang maraming Pilipino rin kung saan nitong Abril lang ay nasa halos 150 thousand local tourists ang naitala.
Ang Boracay ay matatandaang una ng tinaguriang World’s Friendliest Island ng Travel and Leisure Magazine at kasama sa top 10 Asia’s Best Islands ngayong 2017 sa ginawang Travelers’ Choice Awards.