Koreanong nawala sa Mt. Amuyao, nailipat na sa Baguio Gen. Hospital matapos matagpuan sa Barlig

 

BAGUIO CITY, Benguet (Eagle News) – Nailipat na sa Baguio General Hospital and Medical Center ang Korean national na nawala ng ilang araw sa Mt. Amuyao, Mt. Province para lubusang makapagpagaling.

Natagpuan ng mga awtoridad noong Miyerkules, June 21 si Choi Sung Kyu, isang real estate broker sa South Korea, at nagbakasyon lang dito sa Pilipinas.

June 9 pa nang mawala si Sung Kyu matapos umakyat sa Mt. Amuyao.

Labing isang araw din itong pinaghahanap ng mga awtoridad bago natagpuan.

Ayon kay Police Chief Inspector Carolina Lacuata, isa sa search and rescue volunteers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang nakakita sa biktima.

Hinang-hina na aniya ito nang makita sa bundok na bahagi ng Barangay Latang, Barlig.

Agad itong dinala sa ospital.

Nagpasalamat naman ang embahada ng South Korea sa naging aksyon ng mga awtoridad para muling makita ang Koreano.

Freddie Rulloda – EBC Correspondent, Benguet