Moira Encina
Eagle News Service
Simula sa taong 2022 ay mas tataas na ang tatanggaping ‘just share’ o internal revenue allotment ng mga local government unit mula sa bahagi ng kita ng gobyerno.
Ito ay matapos pagtibayin ng Korte Suprema sa botong 8-3 ang desisyon nito noong Hulyo 2018 na nagdideklarang dapat ibatay sa lahat ng nakukolektang national taxes ng pamahalaan ang bahagi na dapat tanggapin ng mga LGUs at
hindi lang sa national internal revenue taxes na nakukolekta ng Bureau of Internal Revenue.
Ibinasura ng Supreme Court ang motion for reconsideration ng Office of the Solicitor General na nagsasabing nagkamali ang Korte Suprema sa pagpapalawak sa batayan ng IRA ng mga LGUs.
Nilinaw ng SC na ang adjusted amount ng IRA ng mga LGU ay magiging epektibo lamang matapos ang pinal na ruling ng hukuman.
Dahil dito, inihayag ng Korte Suprema na magsisimula ang pagbabago sa tatanggaping IRA ng mga LGUs sa 2022 budget cycle.
Ang desisyon ng Kataastaasang Hukuman ay bahagyang pumapabor sa petisyong inihain ni Dating Congressman at ngayon ay Batangas Governor Hermilando Mandanas na kumukwestiyon sa maling alokasyon ng Internal Revenue Allotment funds para sa mga LGU.