By Jerold Tagbo
(EAGLE NEWS) — Desidido si bagong Labor Secretary Silvestre Bello III na wakasan ang “endo” o contractualization na una nang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bello, dapat ipatupad ang batas para masugpo ang endo.
Pero sa tanong kung dapat bigyan ng dagdag na ngipin ang batas laban sa “endo” (end of contract), nakasalalay na aniya sa Kongreso ang pagpapatibay ukol rito.
Sa kanyang talumpati matapos ang pormal na turnover ceremony ng panunungkulan mula kay dating Labor Secretary Rosalinda Baldoz, sinabi ni Bello na magkakaroon ng regular na dayalogo ang Department of Labor and Employment sa lahat ng mga stakeholder upang mapag-usapan ang mga isyung may kinalaman ang mga manggagawa at employer.
Agad rin aniyang magsasagawa ng performance audit sa kanyang tanggapan lalo na sa ilang unit na may quasi-judicial function.
Dapat aniyang mapabilis ang disposisyon ng labor cases na idinudulog sa DOLE dahil sa may mga reklamo na mabagal ang pagtugon ng ahensya.
“Justice delayed is injustice. And we cannot allow that to be perpetuated,” ayon pa kay Bello.
walang tatanggaling empleyado
Tiniyak nito na walang matatanggal na empleyado ng DOLE at mananatili sa pwesto ang mga nadatnan niyang tauhan maliban na lamang kung may report o reklamo laban sa mga ito.
Ipapatupad rin aniya sa DOLE ang 72-hour na pag-proseso sa lahat ng mga papeles bilang pagtugon na rin sa panawagan ni Pangulong Duterte na pabilisin ang transaksyon sa pamahalaan.
Magtatag rin umano ang DOLE ng isang inter-agency task force na hahabol sa mga illegal recruiter.
Inaaral na rin nila ang pagbibigay ng pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga may pakana ng illegal recruitment.
“We’ll ask the help of the Department of Justice kasi kakailanganin namin ang agents, and from the Department of Local Government, yung mga pulis. In fact, pinag-uusapan namin ang possible bounty system e. Pag may nagbigay sa amin ng information na validated, at because of the information, may mahuhuli kami, may ibibigay na reward dyan,” dagdag pa ni Bello.
Maliban rito, maglalagay rin ng isang 24/7 quick reaction team na tututok sa mga usaping may kinalaman sa trabaho.
Kasabay ng pag-upo ni Bello sa DOLE ang panunungkulan rin ni Labor Undersecretary Joel Maglungsod na mula sa Kilusang Mayo Uno.
Pinawi ni Maglungsod ang pangamba ng ilang sektor partikular na ang mga employer hinggil sa pagkakatalaga nito sa labor department.
“Huwag silang matakot. Basta tumutupad sila sa batas,” ayon pa kay Maglungsod.
Balak nitong imungkahi kay Duterte na maglabas ng isang executive order na magpapataas sa minimum wage ng lahat ng manggagawa sa buong bansa.
Karaniwang dumadaan muna sa regional tripartite wage board ang usaping sa dagdag-sahod bago ito aprubahan. (Eagle News Service)