Lakbay-tribo, alay ng mga sundalo sa mga Indigenous People sa Palawan

BROOKES POINT, Palawan (Eagle News) — Sa layuning mapaigting pa ang relasyon ng Indigenous People o mga mamamayang katutubo at militar, nagsagawa ng isang educational field trip ang 44th marine company na tinawag nilang “Lakbay-Tribo” bilang bahagi ng kanilang community program sa Brgy. Saraza sa bayan ng Brooke’s Point.

53 indigenous people (IP) mula sa Palawan tribe ang mapalad na napabilang ngayong araw sa Lakbay Tribo educational field trip ng 44th marine company.

Pinangunahan ni 1LT. JM Cañonaso PN (M) ang aktibidad at inihatid sila sa Wildlife Rescue and Conservation Center at sa static display ng iba’t-ibang aircrafts ng Phil. Airforce and Naval Air Group at TOG7 Hangar.

Dinala din sila sa isang sikat at bagong bukas na mall at sa ilang recreational facilities sa lungsod ng Puerto Princesa upang maranasan nila ang buhay-siyudad na di nila halos malasap dahil na din sa layo nila sa kabihasnan.

Ang isinagawang lakbay-tribo ay follow-up community engagement activity ng “tribal community outreach” na una nang isinagawa sa naturan ding sitio noog nakaraang buwan ng Setyembre.

Ang pagsasagawa umano ng mga ganitong programa ay upang mapalawak ang kamalayan ng mga IP’s sa bawat komunidad sa buhay sa lungsod.

At maipadama sa kanila ang sinseridad ng AFP na maitaguyod ang kapayapaan sa kanilang pamayanan at maimulat sila ukol sa mga pananamantala at panghihikayat ng mga komunistang terorista sa kanilang komunidad.

Ang naturang aktibidad ay suportado naman ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan at pamahalaang lokal ng bayan ng Brooke’s Point. (Anne Ramos – Eagle News Correspondent)

This website uses cookies.