Lalaki binaril at napatay sa kasagsagan ng eleksiyon sa Poblacion Sagbayan, Bohol

By Ali Rosales
Eagle News Service correspondent

BOHOL, Philippines (Eagle News) — Binaril at napatay ang isang lalaki sa kasagsagan ng eleksyon noong Mayo 9, bandang alas dose ng tanghali sa Sitio Capitol, Poblacion Sagbayan, Bohol.

Ayon sa Sagbayan Philippine National Police, ang biktima ay si Steven O. Pegad, 32 anyos, residente ng Nahawan, Clarin.

Sinalaysay ng isang saksi na nagmamaneho ang biktima sa motor nito sakay ang isang babae na inihatid  sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Habang ipina-park ng biktima ang sinakyang motor ay biglang may dumating na lalakeng nakasakay rin sa isang motor na agad umanong bumaba at sinundan si Pegad at binaril ito mula sa likuran.

Tinamaan ang biktima sa batok at namatay.

Mabilis ding nakatakas ang di pa nakikilalang suspek.

Samantala, inaalam pa rin ng Sagbayan PNP ang motibo ng pagkakapaslang sa biktima.