(Eagle News) — Isang lalaki na ang nasampolan at inaresto ng mga pulis dahil sa paliligo sa Manila Bay.
Ayon kay Police Senior Inspector Randy Veran, supervisor ng Manila Bay kinasuhan nila ang bente dos anyos na si Raprap Micarcus matapos tumalon sa dagat sa kabila ng pakiusap ng mga otoridad.
Paglabag sa Section 187 ng Manila Ordinance ang isinampa laban kay Micarcus.
Ayon sa mga otoridad, magsisilbi itong babala laban sa mga matitigas ang ulo at ayaw magpaawat sa paliligo sa Manila Bay.
Iba pang bahagi ng Manila Bay seawall, binakuran
Muli namang binakuran at nilagyan na ng yellow cordon at mga orange barrier ng Metropilitan Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang seawall ng Manila Bay.
Nangangahulugan ito na bawal nang maupo sa seawall at bumaba sa dalampasigan ng Manila Bay habang may ongoing na rehabilitation.
Bawal na rin ang mga vendor sa may bay-walk dahil isa raw sila sa mga nakakadagdag ng basura.
Sakop nito ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula sa may US Embassy hanggang sa Rajah Sulaiman.
Sa kabila ng inilagay na kordon, dagsa pa rin ang mga nagtutungo sa Roxas Boulevard.
Samantala, maaari pa rin naman umanong tumambay sa harap ng Manila Bay sa lugar na tanaw pa rin ang paglubog ng araw ngunit hindi na maaaring lumapit ang mga residente sa dagat.
Sa ngayon, may nakadeploy nang tauhan ng Philippine National Police sa lugar bukod pa sa mga tauhan ng MMDA na nag-iisyu ng tiket laban sa mga dumudura, umiihi at nagtatapon ng basura sa kahabaan ng baywalk.