Lalaki nagsauli ng napulot na mga alahas na nagkakahalaga ng halos P800k sa Camarines Norte

Ni Orlando Encinares
Eagle News Service correspondent

DAET, Camarines Norte (Eagle News) — Isang lalaki ang nakapagsauli sa may ari ng mga alahas na napulot sa isang parking lot sa Camarines Norte na nagkakahalaga ng humigit kumulang P800,000 piso, kahit walang anumang pagkakakilanlan sa lalagyan nito.

Nakilala ang nagsauli ng napulot na alahas na si Ener Rojo, residente ng Bgy 3, Daet, Camarines Norte, isang job order employee ng Provincial Engineering Office.

Sumagi din umano sa isip nito na pwedeng huwag na lang isauli ito dahil sa walang pangalan ang pinaglalagyan ng mga alahas na napulot sa may parking lot, subalit nangibabaw pa rin ang mabuting kalooban nito sa kabila ng dati niyang pagiging Person Deprived of Liberty (PDL).

Isinauli ang naturang mga alahas sa opisina ni Camarines Norte Provincial Police Director Col. Marlon Tejada. Nagkita ang may-ari ng mga alahas na isang senior citizen na taga bayan ng Daet sa mismong opisina ni Tejada at dala nito ang halagang P20,000 bilang pabuya at gawad pagkilala kay Rojo.

(Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.