QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ang isang lalake na siyam na taon nang pinaghahanap dahil sa kasong rape.
Kinilala ang suspek na si Edwin Santo, Top 2 Most Wanted sa probinsya ng Leyte.
Ayon kay QCPD Station 7 Police Senior Inspector Ramon Aquiatan Jr., nakipag-ugnayan sa kanila ang arresting team mula sa Leyte dahil na rin sa impormasyon na sa Maynila nagtatago ang suspek.
Dahil dito, agad silang nagkasa ng isang joint operation kasama ng mga operatiba mula sa Leyte para sa ikaaresto ng suspek na kanilang napag-alaman na sa Antipolo pala naninirahan.
Dahil wala ito sa kanilang tahanan, nakipagtulungan naman ang magulang ng suspek.
Dito na nila ito natunton sa Malabon kung saan ito nagtratrabaho bilang construction worker.
Sa aktuwal na pag aresto sa suspek, gulat na gulat ito sa pagdating ng mga pulis.
June 2010 nang magkaroon ito ng warrant of arrest dahil sa nasabing kaso kaya kaagad umalis ng Leyte si Santo at nanirahan na lang sa Maynila upang makahanap ng trabaho.
Todo tanggi naman si Santosa mga paratang sa kaniya.
Galit lang daw sa kanya ang ina ng biktima na kanya noong kinakasama kaya siya diniin nito sa nasabing kaso.
Samantala nakatakda namang masampahan ng kasong rape si Santo.