Lalawigan ng Aurora naghahanda na sa paparating na Bagyong Lawin

AURORA Province (Eagle News) – Nagsagawa ng Emergency Meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng lalawigan ng Aurora. Layunin nito na mapaghandaan ang pagdating ng bagyong Lawin na sinasabing mas malakas kaysa bagyong Karen.

Sa kasalukuyan ay hindi pa halos nakakabangon ang lalawigan sa paghagupit ng bagyong Karen at kasalukuyan pa lamang inaalam ang kabuuang napinsala nito sa mga inpastraktura, sa mga pananim, o sa agrikultura at iba pang kabuhayan ng mga tao.

Inalerto na ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaang panglalawigan. Nanawagan naman si Gov. Gerardo P. Noveras sa pakikipagtulungan ng bawat ahensiyang kinauukulan para dagliang matugunan ang mga dapat gawin hindi lamang sa paghahanda kundi lalo na para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Inihanda na rin ang mga truck na kailangan sa paglilikas at pagdadala ng mga relief goods na ipamamahagi sa mga tao. Nakaalerto na rin ang Philippine Army, Philippine National Red Cross, Philippine National Police, mga Rescue Teams at pati na ang Bureau of Fire Protection.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga Non-Government Agencies na may mga makabagong kasangkapan at sanay sa mga makabagong teknolohiya sa pagpapaabot ng mga balita at report sa panahon ng mga matitinding kalamidad.

Ako si Jerry Alcala – EBC Correspondent, Aurora

abb2c31f-eb65-4f20-8c8f-387d74a32b4f

c2396fbe-b358-4a29-9730-551de7088bb8