LAMITAN CITY, Basilan (Eagle News) – Binulabog ang mga residente ng isang barangay sa Lamitan City, Basilan noong Miyerkules, Hunyo 28, nang makatanggap sila ng report ukol sa isang di umano’y IED o improvised explosive device sa lugar.
Isang residente ng Brgy. Maligaya ang nagreport nito.
Aniya, may nakita siyang isang itim na supot na may nakausling wire.
Kaagad naman itong naitawag sa barangay, at rumesponde naman kaagad ang mga operatiba ng Alpha Company 74th IB at 19th IB at Lamitan MPS.
Nang siyasatin ang laman ng itim na supot ay napag-alamang ang laman nito ay isang cellphone na may itim na wire na nakakabit sa isang battery ng motorsiklo.
Ayon kay Major Nelson Buticario ng Scout Ranger 74th IB, ang narekober na mga items ay ilang materyales sa paggawa ng IED.
Dagdag pa niya, lalong dapat na maging mapagbantay ang mga mamamayan ukol sa mga kahina-hinalang mga tao na mapadpad sa kanilang lugar.
Aniya, dapat i-report kaagad sa mga awtoridad ang ganitong impormasyon upang mabilis nilang maaksiyunan at maagapan ang anumang binabalak na paghahasik ng karahasan.
Christine Garcia – Eagle News Correspondent, Lamitan City, Basilan