(Eagle News) — Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na ligtas ang lahat ng land records sa Land Management Bureau (LMB).
Sa kabila ito ng nangyaring sunog sa gusali ng LMB sa Binondo, Maynila nitong Lunes, ika-28 ng Mayo.
Ayon sa DENR, nagsisilbi lamang na back up documents sa regional offices ang mga land record na nasunog.
Mayroon anilang computerized records ang mga regional office.
Bumuo na rin ng komite si Environment Secretary Roy Cimatu na pinangungunahan ni Undersecretary Ernesto Adobo Jr., para i-assess ang pinsala sa iba pang mahahalagang dokumento sa LMB.
Dagdag pa ng DENR, Maaaring magtungo ang publiko sa help desk ng DENR-Central Office Sa Quezon City para sa anumang land concerns at katanungan.