Lebel ng tubig sa San Roque dam, mataas pa rin; klase sa ilang eskwelahan sa Pangasinan, suspendido

(Eagle News) — Lubog pa rin sa baha ang ilang mga lugar na nasa low lying areas at tabi ng ilog, ito ay sa kabila ng pagtila na ng ulan.

Kabilang sa mga inabot ng pagbaha ay ang Dagupan City dahil sa pag-apaw ng Pantal River, Sta. Barbara, Sinucalan River , Calasiao at Marusay Rivers.

Binabaha rin ang mga bayan na nasa tabi ng Agno River na umaapaw ngayon dahil sa pinapakawalang tubig sa San Roque Dam.

Kabilang sa mga apektado sa pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam ay mga residente sa ilang bahagi ng Agno River na kinabibilangan ng mga bayan ng San Manuel, San Nicolas, Tayug, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bayambang, San Carlos City, Bugallon, Aguilar at Lingayen.

Dahil dito ay walang pasok ngayon sa Macayo Integrated School sa Alcala, preschool sa Laoac, all levels sa mga eskwelahan sa Basista, Sto. Tomas, Mangaldan, Umingan, Urbiztondo, Bayambang, Mangatarem, Bautista, San Carlos City, Lingayen, Binmaley, Aguilar, Dagupan City, Sta. Barbara at Bugallon, all levels at sa Calasiao all levels at lahat ng government offices.

Sa kasalukuyan ay nasa 285.61 meters and lebel ng tubig sa San Roque Dam mas mataas pa rin ito sa normal level na 280 masl (meters above sea level).

Patuloy namang nagpapakawala ng tubig ang San Roque Dam.

Ayon kay National Power Corporation Spokesperson Odette Rivero, nitong alas siyete ng umaga (7:00 AM) ay bukas ang tatlong flood gates ng San Roque Dam.

Ito ay dahil sa patuloy na sinasalo ng San Roque Dam ang pinapakawalang tubig mula sa Benga at Ambuklaw dams.

Ayon sa NPC, mula sa limang gates 6.5 meters na pagkakabukas ng flood gates ng dam ay ibinaba na ito sa tatlong gates o 4.5 meters.

Batay sa NPC, nanatiling nasa critical level ang tubig sa San Roque Dam kaya’t patuloy pa ring magpapakawala ng tubig sa dam hanggang sa umabot sa 280 o mas mababa na lebel ng tubig.

Iti-terminate lamang umano ang must-run mode ng San Roque Hydro power plant oras na gumanda na ang panahon sa mga susunod na araw. (Details and Photos by Eagle News Correspondent Nora Dominguez)