Leptospirosis maaaring makuha sa simpleng wisik ng kontaminadong tubig sa mata – DOH

(Eagle News) — Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng makakuha ng leptospirosis sa simpleng pagwiwisik ng kontaminadong tubig sa mata.

“Kung medium risk ka, may sugat ka sa paa, nasulong ka sa baha, nawisikan ka sa mata — kahit na tubig lang sa mata ha, magkakaroon ka ng leptospirosis niyan — mainom mo iyung tubig, talagang magkakaroon ka ng lepto,” ito ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang interview.

Una nang naideklara ang DOH ng leptospirosis outbreak sa labingwalong barangay sa kaMaynilaan nito lamang nakaraan linggo dahil sa mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng leptospirosis.

Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay nasa mahigit 300 na ang kaso ng leptospirosis kung saan 52 sa mga ito ang nasawi.

Hinihimok naman ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha at putikan dahil maaari rin na makakuha ng leptospirosis mula sa ihi ng pusa, baboy at kambing.

Pinatututukan din sa lokal na gobyerno ang solusyon para humupa ang tubig-baha sa ilang mga barangay.