Nagkaroon ng engkwentro ang mga elemento ng Task Force Panther sa ilalim ni Maj. Causing at mga operatiba ng Omar Municipal Police Station sa ilalim naman ni Police Insp. Wanawan laban sa mahigit 20 miyembro ni Saudi Hamja leader na isang bandidong grupo sa Brgy. Capual, Omar, Sulu.
Makalipas ang mahigit isang oras na palitan ng putok ay naaresto si Hamja at napatay ang isang hindi pa nakikilang tauhan nito. Si Hamja ay may warrant of arrest sa mga kasong arson at attempted murder.
Narekober din sa kaniya ang 36 na high powered firearms tulad ng:
- isang Cal .50 HMG
- isang 60mm Mortar
- pitong M14 rifles
- limang Garand rifles
- walong M16A1 rifles
- apat na M653
- dalawang M79 Grenade Launchers
- isang AK47 Kalashnikov rifle
- isang FALN
- tatlong caliber 30 Carbine
- dalawang M79
- isang cal .22 rifle
Samantala ay isang sibilyan naman ang nasugatan sa encounter na itinakbo kaagad ng tropa sa Luuk District Hospital. Wala namang naitalang casualty sa panig ng tropa ng pamahalaan. Ayon kay Major Gen. Carlito G.Galvez, commander ng Wesmincom, lagi aniyang nakahanda ang buong puwersa ng Western Mindanao Command na tumugon lagi sa pagresolba sa problema ukol sa terorismo sa Mindanao.
Jun Cronico – EBC Correspondent, Zamboanga City