(Eagle News) — Bibigyan ng pagkakataon ang isang mobile user na mapasakanya na ang gamit nitong cellphone number kahit pa lumipat ito ng subscriber o network sa ilalim ng Lifetime Mobile Number Act.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, author ng nasabing batas, kahit pa lumipat ng subscriber ay ma-e-enjoy ng user ang mas mura at magandang serbisyo lalu na’t napipinto nang magsimula ang operasyon sa bansa ng third telco.
Sa ilalim rin aniya ng nasabing batas, kung lilipat ng network ang isang user ay irerequire na i-register sa pangalan mismo ng user ang cellphone number.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng batas sa mga taong gumagawa ng panloloko at ginagamit ang pre-paid sim cards sa pangha-harass at paghahasik ng kaguluhan.
Nilinaw naman ni Gatchalian na papayagan naman ang isang tao na magkaroon ng maraming cellphone number basta’t naka-rehistro ito sa kaniyang pangalan.
Ipatutupad ang batas kapag natapos na ang implementing rules and regulations (IRR).