ROROGAGUS, Marawi City (Eagle News) — Sugatan ang apat na sibilyan at isang sundalo matapos sumabog ang isang improvised explosive device o IED sa kahabaan ng barangay Rorogagus, Marawi City.
Nangyari ang pagsabog ilang metro ang layo mula sa lugar kung saan tinambangan ang convoy ng Presidential Security Group nitong November 29.
Bandang alas singko y medya ng hapon (5:30 pm) kahapon ng sumabog ang bomba. Ang oras kung kailan, dumaraan ang convoy ng sampung sasakyan ng militar sakay ang mga miyembro ng 1st scout ranger battalion na patungong headquarters ng 103rd Infantry Brigade sa Marawi.
Nagtamo ng Minor Injury si Sergeant Gaon ng 65th Infantry Battalion, matapos tamaan ng salamin mula sa nabasag na windshield.
Kritikal naman ang kondisyon ng bente-anyos (20) na tricycle driver na si Samer Adato Gulam.
Habang sugatan ang trentay nwebe (39) anyos na si Fathma Nawira Daluma, isang public school teacher, at dalawa pang bata na nasa edad walo at labing-isa.
Patuloy pa ring sinusuri ng awtoridad ang mga bahagi ng sumabog na bomba.