Magkapatid, 3 iba pa na miyembro umano ng Perez carnapping group, arestado

NAGCARLAN, Laguna (Eagle News) — Matagumpay na naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng elemento ng Nagcarlan Police ang notoryus na grupo na “Perez Carnapping Group” sa lalawigan ng Cavite at lalawigan ng Laguna kamakailan.

Kinilala ni Police Chief Insp. Reynaldo N. Vitto, hepe ng Nagcarlan PNP,  ang  mga suspek na sina Roldan Perez, tumatayong lider umano ng grupo; at nakababata nitong kapatid na si Raymond Perez, pawang mga residente ng Magallanes, Cavite, kung saan sila naaresto.

Kasama sa grupo sina Jommel Commendador ng Brgy. Kanluran Lazaan, Nagcarlan; Mark Angelo Dorado ng Brgy. Novalichez, Liliw; at isang Nordee Pagtananan ng Brgy. Bubukal, Sta. Cruz, Laguna; na naaresto naman sa followup operations sa Laguna.

Napag-alamang dati nang nakulong ng mahigit 12 taon sa New Bilibid Prison (NBP)  si Roldan Perez dahil din sa kinasangkutan nitong 3 counts ng carnapping ngunit nagawa nitong makalaya.

Paglabag naman sa kasong robbery-extortion ang dating kinaharap na kaso ng mga suspek na si Commendador at Dorado habang si Pagtananan ay paglabag naman sa iligal na droga.

Batay sa isinagawang imbestigasyon nila SPO3 Arvin A. Flores at P03 Nemecio B. Guzman, kinarnap ng grupo ang isang kotseng KIA Pride na may plakang URF-681  na pag-aari ni Teddy Coroza pasado alas 2:00 ng umaga sa Brgy. Poblacion II.

Agad na ipinagbigay alam ng biktima sa Nagcarlan Police ang naganap na insidente kung kaya’t nagsagawa ng operasyon ang mga pulis.

Sa bahagi ng Magallanes, Cavite rin namataan ang naturang sasakyan.

Lumilitaw na bukod sa kotseng KIA Pride, isa pang sasakyan—  Hyundai Grace Model 2000—na narekober ng pulisya sa lugar ang kinarnap din ng grupo may ilang buwan na ang nakakaraan sa nasabing bayan.

Kasalukuyang nakakulong ngayon ang mga suspek sa Nagcarlan PNP at pawang nahaharap sa kasong Carnapping. (Willson Palima – Eagle News Correspondent)

Related Post

This website uses cookies.