Dinagsa ng maraming tao mula sa bayan ng San Leonardo at mga karatig bayan nito sa Nueva Ecija ang isinagawang Pamamahayag ng mga salita ng Diyos at Lingap Laban sa Kahirapan ng Iglesia Ni Cristo.
Ang isinagawang lingap ay bilang paggunita sa pagsapit ng Iglesia Ni Cristo sa ika 104 na anibersaryo ng pagkakatag nito sa Pilipinas. Ang lingap at pamamahayag ay isinagawa ngayong araw sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) Gym.
Tinatayang nasa 10,000 goody bags ang naipamahagi na naglalaman ng bigas, noodles at can goods sa mga nagsidalo.
Hindi inalintana ng napakaraming taga San Leonardo Nueva Ecija ang naging pagbuhos ng ulan para lamang saksihan ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo.
Nagsimula ang nasabing okasyon sa ganap na ika 1:00 ng hapon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita ng Diyos at sinundan ito ng programang musikal mula sa mga binuong choral group ng mga kapatid sa Iglesia. (Photos and details by Robert dela Cruz)