ROSALES, Pangasinan (Eagle News) — Isang maituturing na kasaysayan sa bayan ng Rosales, Pangasinan ang matagumpay na Lingap-Pamamahayag ng Iglesia Ni Cristo na ginanap sa Robert B. Estrella, Sr. Memorial Stadium noong Linggo, July 10, 2016.
Bagamat walang Storm Signal Warning na ibinaba ang PAGASA sa nasabing lalawigan, buong araw na walang tigil ang pag-ulan bunsod ng southeast monsoon rain o hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong Butchoy. Sa kabila nito ay maagang nagsidatingan ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo kasama ang kanilang mga inanyayahan. Ang mga kaanib na ito ay nagmula pa sa labingpitong bayan na sakop ng Distrito ng Pangasinan East.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng libreng serbisyo-medical at dental. Napuno naman ng kasiyahan ang Gymnasium sa pagtatanghal ng ilang kilalang personalidad katulad ni Andrew E, Victor Wood, bandang Aegis at maraming pang iba.
Pagkatapos ng pagtatanghal, agad ding sinimulan ang pinakatampok na bahagi ng programa, ang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos. Pinangasiwaan ito ng Kapatid na Glicerio B. Santos, Jr., Genaral Auditor ng INC. Sa pagtatapos ng Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos ay agad na namahagi ng mga goody bag sa mga dumalo sa aktibidad. Nagtiyagang pumila ang mga tao at masayang tinanggap ang goody bag na ayon sa kanila ay malaking tulong sa kanilang pamilya.
Ayon kay Violeta Dela Cruz, 43 tatlong gulang, residente ng Rosales, Pangasinan, ang nasabing programa ay isang magandang pagkakataon dahil hindi lang umano sila nakapakinig ng mga salita ng Diyos, nabigyan pa ng atensiyon ang kanilang pangangailangang medical at dental bukod pa sa libreng bigas na kanilang natanggap.
Walang naging problema sa trapiko sa kabuuan. Humanga naman ang ilang mga residente dahil ito umano ang unang beses na nagkaroon ng napakalaking pagtulong sa mga mamamayan.
Ayon naman sa PNP Rosales, nahirapan silang i-estimate ang bilang ng mga dumalo sa aktibidad ngunit kung susumahin ay humigit-kumulang tatlumpong libo ang nakinabang sa Lingap-Pamamahayag.
(Eagle News Peterson Manzano – Pangasinan Correspondent)