Matapos ang malaking Lingap-Pamamahayag ng Iglesia Ni Cristo sa Philippine Arena sa Ciudad De Victoria sa Bocaue, Bulacan nitong Linggo, Hunyo 26, sinundan na naman ito ng kaparehong aktibidad na isinagawa naman sa Philippine Sports Arena o ULTRA sa Pasig City kung saan libu-libo ang dumalo at nakatanggap ng lingap na ipinapamahagi sa bawat dumalo.
Nitong Martes, Hunyo 28, sa 10,000 seater ULTRA o Philippine Sports Arena sa Pasig City idinaos ang malaking gawain na itinaguyod ng distrito ng Metro Manila West.
Sinabi ng kapatid na Glicerio Santos Jr., General Auditor ng INC, na pagtataguyod ito sa puspusang pagpapalaganap o Worldwide Intensive Propagation (WIP) sa ilalim mg project Reconnect ng INC.
Pagtalima din aniya ito sa utos ng Diyos na itinataguyod ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang kapatid na Eduardo V. Manalo.
Sa malaking aktibidad sa ULTRA nakiisa ang ilang personalidad.
Sinabi ni “Bossing” Vic Sotto na marapat lamang suportahn ang ganitong aktibidad ng INC na malaking tulong sa mamamayang nangangailangan.
Nanawagan din si Mrs. World 2014 finalist Marlan Sabbun Manguba na pagbigyan ang mga pag-a-anyaya ng INC.
Isa siya sa mga nahikayat na makinig sa mga aral na sinasampalatayanan ng INC.
Gaya sa mga nakaraan, pinangasiwaan din ng kapatid na Jun Santos ang espiritwal na bahagi ng pagtitipon.
Bukod sa 10,000 seater Philsports Arena, may overflow area din sa bahagi ng football stadium sa labas ng ULTRA.
Bahagi rin ng pagtitipon ang pamamahagi ng munting ala-ala sa mga dumalo.
Inihayag din ng ka Jun na sa Linggo, muling babalik sa Tondo ang INC para sa maghapong free medical at dental services. (Weng dela Fuente, Eagle News Service)